Pansamantalang nakalaya si Dasmarinas, Cavite Representative Kiko Barzaga matapos maglagak ng piyansa sa walong magkakahiwalay na kasong cyberlibel, ayon sa Cavite Police Provincial Office (PPO).

Base sa pulisya ng Dasmariñas Component City Police Station, agad ding nakalaya ang kongresista bandang alas-10:25 nitong gabi ng Lunes, Abril 13 matapos na boluntaryong sumuko kasunod ng inilabas na warrant of arrest ng Makati City Regional Trial Court.

Nagpiyansa si Barzaga ng kabuuang P384,000 para sa walong bilang ng kasong cyber libel.

--Ads--

Nag-ugat ang kaso ng kongresista sa kaniyang online post kung saan inakusahan niya ang negosyanteng si Enrique Razon ng panunuhol umano sa mga kongresistang miyembro ng National Unity Party para suportahan ang speakership bid ni dating House Speaker Martin Romualdez sa ilalim ng 20th Congress.

Nauna naman nang humingi ng paumanhin ang kongresista sa business tycoon noong Enero 2026 matapos siyang sampahan ng kasong cyber libel. Inamin ng kongresista na nag-ugat ang kaniyang mga paratang sa personal na galit at sinabing handa niyang tanggapin ang anumang parusa.