Dagupan City – Hinihikayat ang mga mango grower sa lalawigan ng Pangasinan na muling magtanim ng mga bagong punong mangga upang mapataas ang suplay nito sa merkado.
Ayon kay Sanggunian ng Panlalawigan Member Nicholi Jan Louie Sison, Chairman ng Committee on Agriculture ng Pangasinan, marami sa mga punong mangga sa probinsya ang matatanda na at hindi na kasing produktibo gaya ng dati.
Batay umano sa mga nakausap niyang eksperto at mga stakeholder sa sektor ng agrikultura, lumalabas na ang mga matatandang punong mangga ay bumababa na ang ani.
Gayunman, sinabi rin na maaari pang mapabuti ang produksyon kung ang mga ito ay regular na tinatrim at inaalagaan nang maayos.
Sa kabila nito, patuloy pa ring bumababa ang kabuuang produksyon ng mangga sa lalawigan.
Dahil dito, iginiit ni Sison ang pangangailangang i-rejuvenate ang industriya ng mangga sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga bagong punong mangga upang mas mapaganda at mapataas ang ani sa mga susunod na taon.
Dagdag pa niya, mahalagang suportahan ang mga magsasaka sa programang magtataguyod ng sustainable at mas produktibong mango farming sa Pangasinan.










