Dagupan City – Kinilala at ginawaran ng sertipikasyon bilang Zero Open Defecation (ZOD) ang walong barangay sa lungsod ng Dagupan matapos ganap na matugunan ang mga pamantayan sa sanitasyon at kalinisan na itinakda ng mga awtoridad sa kalusugan.
Ipinagkaloob ang pagkilalang ito ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) sa pamamagitan ng Sanitation Division ng Dagupan City Health Office.
Ibinibigay ang nasabing sertipikasyon sa mga barangay, bayan, lungsod, o probinsyang nakatutupad at nagpapanatili ng mga pamantayan sa sanitasyon, alinsunod sa Philippine Clean Water Act (RA 9275) at Proper Sanitation Act (RA 10952).
Tumutukoy ang Zero Open Defecation sa kalagayan ng komunidad kung saan walang sinuman ang dumudumi sa mga bukas na lugar o open area tulad ng ilog, sapa, bukid, gubat, kalsada, o bakuran, at tinitiyak na ang lahat ng kabahayan ay may ligtas at pamantayang palikuran.
Mahalaga ito upang mapanatiling malinis ang tubig, lupa, at hangin, makaiwas sa iba’t ibang karamdaman, at makabawas sa gastusin sa pagpapagamot.
Kabilang sa mga barangay na nakatanggap ng nasabing pagkilala ay ang Bolosan, Salisay, Mangin, Caranglaan, Tambac, Salapingao, Lomboy, at Pugaro.
Nakapaloob ang proyektong ito sa ilalim ng Philippine Approach to Sustainable Sanitation (PHATSS), na naglalayong tuluyang wakasan ang kaugalian ng pagdumi sa bukas na lugar at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na dulot ng hindi maayos na sanitasyon.
Dahil dito, binigyang‑diin ng mga opisyal na ang kalinisan at sanitasyon ay susi sa proteksyon ng kalusugan ng bawat mamamayan at sa pagbuo ng mas ligtas at masiglang pamayanan.










