Dagupan City – Suportado ng Senior High School sa Dagupan City ang inaasahang pagpapatupad ng trimester system na aprubado ng Pangulo simula Hunyo para sa School Year 2026-2027.
Nakikitang tututukan ito ng mga opisyal ng Department of Education upang tiyakin ang maayos na paglipat mula sa dating quarterly hanggang sa bagong sistema.
Ayon kay Dr. Edwin Ferrer, District Supervisor ng Senior High School sa Dagupan City, na hindi masasabing maganda o hindi ang sistema dahil bago pa lamang itong ipatutupad.
Gayunpaman, dahil aprubado na ito ng Pangulo, nakatuon na ngayon ang lahat sa mahabang paghahanda para sa paglipat mula sa first to fourth quarter patungong trimester system.
Aniya na ang bagong sistema ay magkakaroon ng tatlong yugto gaya ng sa buwan ng Hunyo hanggang Setyembre para sa unang trimester, Setyembre hanggang Disyembre para sa ikalawa, at Enero hanggang Marso para sa ikatlo.
Wala naman umanong nadagdag o nabawas sa bilang ng mga araw ng pag-aaral ngunit ang pagkakaiba lamang ay ang mga asignatura at competency na kailangang iayon at pagsasamahin sa tatlong siklo.
Binanggit din niya na maaaring maging bentahe ito para sa mga guro at mag-aaral dahil tatlong beses na lamang silang maghahanda ng pagsusulit kumpara sa dating apat na beses.
Saad niya na ang kinakatakutan ng ilan ang posibleng pagsiksikan ng mga asignatura, ngunit tiniyak ni Ferrer na hindi ito mangyayari dahil aayusin ng DepEd ang mga subject at competency para hindi magdulot ng problema.
Pagbabahagi nito na nakatakdang isagawa ang mga programa para sa paghahanda tulad ng mga pagsasanay at oryentasyon para sa mga guro at mag-aaral pagkatapos ng kanilang isang buwang pahinga matapos ang graduation nitong Marso 27-31.
Sinabi niya na baka sa panahon ng Brigada Eskwela, isasagawa ang mga sesyon para ipaliwanag ang mga proseso, paraan ng pagpapatupad, at mga kinakailangan ng bagong sistema.
Hindi dapat aniya husgahan agad ang sistema bilang positibo o negatibo bago pa man maisagawa dahil ang mahalaga ay ang maayos na paghahanda at pagpapatupad nito, na makakatulong sa pagpapaunlad ng mga mag-aaral at guro.
Hinihikayat din niya ang lahat na yakapin ang pagbabago, magkaisa, at huwag magkaroon ng negatibong pananaw bago pa man maipatupad ang sistema.
Dagdag pa niya, tinitiyak ng DepEd mula sa sentral hanggang sa paaralan na mayroong maayos na pagpaplano, koordinasyon, at mga kagamitang handa na para sa pagpapatupad ng trimester system.
Patuloy din silang magsusulong ng dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral ng Dagupan City sa kabila ng pagbabago ng sistema.










