Aminado ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na malaking hamon para sa kanila na maabot, lalo pa’t malagpasan, ang naging matagumpay na hosting ng Agusan del Sur sa Palarong Pambansa 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Joy Belmonte, inilarawan niyang “amazing” ang kabuuang pagdaraos ng event sa nasabing probinsya, mula sa paghahanda hanggang sa pagtatapos ng palaro, na halos wala umanong maipagkumpara.
Opisyal nang kinumpirma ng Department of Education na ang Quezon City ang magiging host ng Palarong Pambansa 2027, ang ika-67 na edisyon ng pambansang palaro.
Ito ang ikalawang pagkakataon ng QC na mag-host, matapos ang una noong 1966, at inaasahang gaganapin sa Mayo 2027.
Ang ceremonial turnover ay isinagawa noong Mayo 31, 2026 sa Prosperidad, Agusan del Sur, kasabay ng pagtatapos ng palaro, na dinaluhan nina DepEd Secretary Sonny Angara at Undersecretary Malcolm Garma.
Ayon kay Belmonte, malaking oportunidad para sa Quezon City na muling ipakita ang kakayahan ng NCR na magdaos ng pambansang sporting event.
Posibleng gamitin ang mga pangunahing pasilidad gaya ng UP Diliman, Amoranto Sports Complex, QC M.I.C.E. Center, at iba pang pampublikong paaralan sa lungsod. Binanggit din ng alkalde na ang Quezon City ay “gateway” na konektado sa iba’t ibang panig ng bansa, kaya’t ideal venue para sa pagtitipon ng libu-libong kabataang atleta.
Gayunman, aminado ang QC government na mataas ang pamantayan na itinakda ng Agusan del Sur. Mahigit 13,000 student-athletes mula sa 20 delegations ang lumahok sa Palarong Pambansa 2026, at pinuri ng DepEd at iba pang stakeholders ang maayos na logistics, venues, at hospitality ng probinsya.
Para sa Quezon City, ang mga hamon ay nakapaloob sa mas urbanized na setting: mas mabigat na traffic, mas mataas na demand sa accommodation, at mas matinding public expectations.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Belmonte na sa tulong ng DepEd, PSC, DILG, at private partners, makakaya ng Quezon City na magbigay ng maayos at makabuluhang hosting para sa Palarong Pambansa 2027.
Aniya, layunin nilang maghatid ng “champion’s experience” para sa lahat ng atleta at delegado, at nananawagan sa mga residente ng lungsod na suportahan ang hosting upang maging matagumpay ang pagbabalik ng Palaro sa NCR. // via Bombo Dennis Jamito










