Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na hindi agad magbababa ang presyo ng petrolyo, bagamat nakaseguro ito ng ligtas na daanan para sa mga fuel shipment ng bansa sa Strait of Hormuz.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, layunin ng kasunduang ito na mapangasiwaan ang mga panganib at maprotektahan ang suplay ng enerhiya ng bansa sa gitna ng umiiral na kawalang-katiyakan sa pandaigdigang sitwasyon.

Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni Garin na bagama’t hindi nito tuluyang inaalis ang lahat ng panganib, isa itong mahalagang hakbang upang mapatatag ang posisyon ng Pilipinas sa harap ng hindi tiyak na kalagayan ng pandaigdigang merkado.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Garin na ang kasunduan ay nagbibigay ng “ligtas at prayoridad na akses” para sa mga kargamentong may kaugnayan sa Pilipinas.

Makakatulong ito upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng fuel at mas mapalakas ang proteksyon para sa mga Pilipinong seafarer.

Karamihan naman sa suplay ng fuel ng Pilipinas ay nagmumula sa mga trading hub tulad ng Singapore at South Korea.

Gayunpaman, ang pinanggagalingang krudo nito ay dumaraan sa Strait of Hormuz.

Ayon sa DOE, anumang aberya sa nasabing rutang pandagat ay maaaring makaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis at magdulot ng pagtaas ng presyo sa lokal na merkado.