Dagupan City – Nagbabala ang Police Regional Office I (PRO 1) hinggil sa pagdami ng AI-generated at scripted na mga video sa social media na maaaring magdulot ng maling pagtingin sa kapulisan at kalituhan sa publiko.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), dumarami ang mga content na gumagamit ng artificial intelligence, digital manipulation, at iba pang editing tools upang makalikha ng mga pekeng eksena na naglalarawan ng umano’y pang-aabuso, katiwalian, at iba pang iregularidad na ibinabato sa mga pulis.
Iginiit ng PNP na ang ganitong uri ng materyal ay may kakayahang makasira sa tiwala ng publiko at magpalaganap ng maling impormasyon, lalo na kung ito ay magmumukhang totoo sa paningin ng mga netizen.
Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri sa mga napapanood online at tiyaking mapagkakatiwalaan ang pinagmumulan ng impormasyon bago ito paniwalaan o ibahagi.
Hinimok din ang mga content creator na gamitin ang makabagong teknolohiya nang may pananagutan at iwasan ang paggawa o pagpapakalat ng mapanlinlang na content na maaaring magdulot ng takot, kalituhan, o paninira.
Bukod dito, pinayuhan ang publiko na agad iulat sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang content na posibleng naglalaman ng maling impormasyon upang ito ay agarang maaksyunan.










