DAGUPAN CITY- Isinagawa ngayong araw ang libreng tuli program para sa mga batang lalaki sa Barangay Pogo Chico.
May tema itong “Binata na si Totoy” na pinangunahan ni Barangay Captain Edwin Cusi sa tulong ni Dr. Mario Castro ng Region 1 Medical Center (R1MC).
Ayon kay Kap. Cusi, ito na ang ika-6 taon na ginagawa sa kanilang barangay ang program na inumpisahan noong 2021.
Ang aktibidad ay nagsimula ng alas 7 ng umaga at idinaos para sa mga batang lalaking may edad na 8 hanggang 12 taon.
Ginawa ang programa sa taas ng Barangay Hall kung saan inihanda ng mga barangay staff ang maayos at malinis na puwang para sa operasyon.
Target ng barangay na makapagserbisyo ng 50 bata, ngunit sa simula pa lamang ng programa ay umabot na sa 42 ang mga nakapagpapatuli at inaasahang malalagpasan nila ang kanilang target na bilang.
Bukod sa LIBRENG TULI, binigyan din ang mga bata ng gamot para sa pangangalaga pagkatapos ng operasyon.
Pinili ring isagawa ito sa panahon ng bakasyon para hindi maabala ang pag-aaral ng mga bata at mas mapagbigyan ang mga pamilyang nais na makatipid para hindi na gumastos sa pagpapatuli.
Patuloy na sumusuporta ang lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor sa programa, na naging ehemplo ng pagtutulungan ng komunidad para sa ikabubuti ng mga kabataan.










