DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan na ng mga labor groups ang kanilang isasagawang aktibidad sa buong bansa sa nalalapit na paggunita ang Labor Day upang ipanawagan muli ang pantay na karapatan ng mga ordinaryong manggagawa.
Ayon kay Atty. Sonny Matula, Presidente ng Federation of Free Workers, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang aktibidad ay isasagawa sa May 1 at magsisimula ng dakong alas-6 ng umaga sa Welcome Rotonda patungong East Espanya.
Sa alas-8 ng umaga naman ay magmamartsa patungong Morayta, sa Maynila hanggang Mendiola.
Inaasahan nila na higit 20,000 miyembro mula sa iba’t ibang grupo ang dadalo sa naturang aktibidad.
Ayon kay Matula, kabilang sa kanilang ipapanawagan ang karagdagang sahod at gawin itong pantay at nakabubuhay.
Sa kanilang palagay, ang pagkakaroon ng sapat na sahod ay makatutulong sa maayos na pag-ikot ng ekonomiya.
Giit pa niya na hindi dapat katakutan ng mga maliliit na negosyante ang taas pasahod.
Samantala, kabilang pa sakanilang panawagan ang pagsuspinde sa excise tax at Value-added tax upang hindi samantalahin ng mga negosyante ang krisis para pagkakitaan ito.










