DAGUPAN CITY- Nasa 95% na ng mga barangay sa Dagupan City ang naabot ng satellite voter registration ng Commission on Elections (COMELEC) mula sa 31 Barangay, habang matatapos na ngayong araw ang kanilang barangay satellite voters registration.
Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor, COMELEC Dagupan City na patuloy parin ang ginagawa nilang pagpaparehistro sa mga botante sa lungsod habang nalalapit na ang huling araw sa Mayo 18, 2026.
Bago pa magsimula ang kasalukuyang pagpaparehistro, mayroong 144,000 na rehistradong botante sa Dagupan, ngunit bumaba ito sa 137,000 matapos ang deactivation ng mga botanteng hindi nakaboto sa dalawang magkakasunod na halalan kung saan nasa mahigit 7,000 ang natanggal sa listahan.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 143,000 ang bilang ng mga rehistradong botante at kumpiyansa ang COMELEC na maabot o malalagpasan pa ang dating bilang na 144,000.
Saad pa nito na ngayong araw ay pinuntahan ng kanilang mga kasamahan ang Barangay Pogo Chico para sa huling araw ng Barangay Satellite Voters Registration habang bukas naman ay gaganapin ang huling araw ng satellite registration sa Nepo Mall.
Pagbabahagi nito na pagkatapos nito ay mag-aantay na lamang sila ng mga magpaparehistro sa kanilang opisina pero sa darating na Mayo 11 hanggang Mayo 18 ay magkakaroon muli sila ng pagpaparehistro sa mga hindi nakahabol sa Dagupan City Astrodome para mas mapagbigyan ang inaasahang maraming botante na magpaparehistro sa huling araw.
Inireserba anila ang lugar simula pa noong Pebrero para tiyakin ang maginhawa at accessible na serbisyo para sa lahat ng Dagupeño









