Tuluyan nang kumalas sa Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at sa mas pinalawak na alyansang OPEC+ ang United Arab Emirates (UAE).

Dumating ang desisyong ito sa gitna ng tumitinding tensyon dulot ng digmaan na kinasasangkutan ng Iran, na nagresulta sa krisis sa enerhiya at pagyanig sa pandaigdigang ekonomiya.

Nahihirapan na rin ang mga bansang kasapi ng OPEC sa Gulf na maipadala ang kanilang mga eksport dahil sa panganib sa Strait of Hormuz.

--Ads--

Ang sitwasyon ay pinalala ng mga banta at pag-atake umano ng Iran sa mga sasakyang-dagat.

Samantala, muling pinuna ni US President Donald Trump, ang OPEC, na aniya’y “pinagsasamantalahan ang ibang bahagi ng mundo” sa pamamagitan ng artipisyal na pagpapataas ng presyo ng langis.

Iginiit din ni Trump na kaugnay ng presyo ng langis ang suportang militar ng US sa mga bansang Gulf, at sinabi na habang ipinagtatanggol ng Amerika ang mga ito, sinasamantala naman umano nila ang sitwasyon sa pamamagitan ng mataas na presyo.

Ang pag-alis ng UAE ay naganap matapos nitong punahin ang kapwa Arabic countries dahil sa umano’y kakulangan ng suporta laban sa sunod-sunod na pag-atake ng Iran sa panahon ng digmaan.

Sa isang forum noong Lunes, nagpahayag ng pagkadismaya si Anwar Gargash, tagapayo sa diplomasya ng pangulo ng UAE, hinggil sa naging tugon ng mga bansa sa rehiyon.

Ayon kay Gargash, nagkaroon man ng tulong sa aspetong logistikal ang mga bansang kasapi ng Gulf Cooperation Council (GCC), ngunit nanatiling mahina ang kanilang tindig sa larangan ng pulitika at militar—isang bagay na aniya’y hindi niya inaasahan mula sa naturang samahan.

Dagdag pa niya, hindi na bago ang ganitong uri ng tugon mula sa Arab League, ngunit ikinagulat niya na maging ang GCC ay nagpakita rin ng kahinaan sa kasalukuyang krisis.