DAGUPAN CITY- Magdaraos ng job fair ang Public Employment Service Office (PESO) Central Pangasinan Field Office sa bayan ng Calasiao bilang bahagi ng pagdiriwang ng Labor Day ngayong Mayo 1, na inaasahang dadaluhan ng humigit-kumulang 20 employer kabilang ang mga local at ilang international companies
Ayon kay Shiela Marie Penuliar, Sr. Labor and Employment Officer ng PESO Mapandan, kanyang iniimbitahan ang mga residente sa bayan ng Mapandan upang makilahok sa nasabing aktibidad.
Aniya na isinusulong ng kanilang tanggapan ang pagtutulungan sa halip na kompetisyon sa pagitan ng mga local offices, kaya mas pinipili nilang suportahan ang mas malawak na inisyatibo ng Central Pangasinan Field Office kaysa magsagawa ng hiwa-hiwalay na job fair.
Kaugnay nito, patuloy rin ang kanilang hanay ng mga programa para sa Labor Day, kabilang ang sunod-sunod na Special Recruitment Activity (SRA) na nakatakdang isagawa sa buwan ng Mayo, kung saan dalawa ang sabay na gaganapin, kasunod ng isa pang isinagawa dalawang linggo na ang nakalipas.
Ayon kay Penuliar, bukod sa job fair, nakatuon din ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan, partikular sa limang pamilyang may mga batang nanganganib na mapasailalim sa child labor, na kanilang tutulungan sa pamamagitan ng livelihood assistance.
Samantala, patuloy rin ang pamamahagi ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa iba’t ibang sektor tulad ng transportasyon at agrikultura, na kabilang sa mga pinakaapektado ng kasalukuyang krisis, habang mas marami pang benepisyaryo ang inaasahang matutulungan sa buong taon batay sa mga naipamahagi noong nakaraang taon.










