DAGUPAN CITY- Nananatiling at large ang suspek sa insidente ng pananaksak na naganap sa Barangay San Miguel, bayan ng Calasiao, habang nakapaghain na ang pulisya ng kaukulang kasong frustrated homicide laban sa kanya.
Ayon kay PLt. Julfre Ayson, PCO investigator, Calasiao PNP, matatandaan na nangyari ang insidente sa loob ng isang compound sa nasabing barangay kung saan nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang suspek.
Hinarang umano ng suspek ang biktima at sinaksak ito sa tagiliran. Batay sa imbestigasyon, personal na alitan ang tinitingnang motibo ng krimen matapos pagdudahan ng biktima ang suspek na kabilang sa mga umano’y nagbabalak na pagtripan ang kanyang tricycle.
Lumalabas din na may ugnayang pampamilya ang dalawa.
Ayon kay Ayson, patuloy ang koordinasyon ng Calasiao PNP sa mga opisyal ng Barangay San Miguel upang mahikayat ang suspek na sumuko, subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ito nakikipag-ugnayan.
Nilinaw rin ng mga opisyal ng barangay na hindi nila kinukunsinti ang ginawa ng suspek na isa ring CVO o Barangay Tanod at aktibo silang tumutulong sa paghahanap dito.
Samantala, ang biktima ay nagtamo ng isang saksak, sumailalim sa operasyon, at kasalukuyan nang naka-outpatient matapos makalabas ng ospital.
Bilang bahagi ng peace and order program, pinaigting ng Calasiao PNP ang gabi-gabing patrol, checkpoints, at presensya ng pulisya upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang paglaganap ng krimen sa bayan.










