DAGUPAN CITY- Tila hindi na matapos-tapos ang pasanin ng transport sector sapagkat muling may pangambang dagdag presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ariel Lim, presidente ng National Public Transport Coalition, hindi pa tiyak kung magkano ang itataas nito subalit, inaasahang P6 o higit pa ang panibagong karagdagan.
Bagaman, sinasabi umano ng mga kumpanya ng langis na mas mabababa ito kumpara sa nagdaan subalit, kahit pa P1 lamang ang itaas ay hindi pa nito mapapagaan pa ang sitwasyon ng mga tsuper.
Aniya, mas mabuting ipagpatuloy ng gobyerno ang programang libreng sakay at arkilahin na lamang silang mga public transportation drivers upang maging sila ay makapaghanap-buhay pa.
Mas makakatiyak sila na may maiuuwi sila para sa kanilang pamilya dahil sa kontrata ito.
Ayon kay Lim, aabot sa P750 pataas ang maari nilang kitain sa programang ito kumpara sa pahirapang P300 kada araw na kasalukuyan nilang nararanasan.
Gayunpaman, nakikita niya na hindi ito buong maipapatupad sa bansa dahil may mga Local Government Units (LGU) na manipis lang ang budget at hindi kayang suportahan ang naturang programa.
Bukod pa riyan, patuloy ang kanilang panawagan sa pamahalaan na aprubahan ang karagdagang P1 sa pamasahe dahil tanggap naman ito ng mga mananakay.










