Nilinaw ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi transport hub ng ilegal na droga ang lalawigan ng Pangasinan, kasunod ng pagkakasabat ng mga awtoridad sa bilyong pisong halaga ng ipinagbabawal na gamot sa ilang operasyon sa probinsya.

Ayon kay PLt.Col. Jose Abaya II, ang Provincial Director for Operations ng Pangasinan PPO, hindi nangangahulugan na sentro o pangunahing daanan ng malalaking transaksyon ng ilegal na droga ang lalawigan kahit may mga nagiging matagumpay na operasyon laban sa mga sangkot sa bentahan at transportasyon ng ilegal na gamot.

Aniya, base sa kanilang assessment, ang pagkakasabat ng droga sa mga bayan ng Bugallon at Labrador ay indikasyon na sinusubukan lamang ng mga sindikato kung maaari silang mag-operate sa probinsya gamit ang mga dalampasigan bilang daanan.

--Ads--

Gayunman, agad itong napigilan dahil sa mahigpit na intelligence gathering at operasyon ng pulisya.

Dagdag pa ng opisyal, ang mga bultong droga na natagpuan sa karagatan ng Bolinao ay pinaniniwalaang naanod lamang at hindi talaga nakatakdang ipasok sa lalawigan, kundi posibleng patungo sa bahagi ng Zambales.

Iginiit din ng Pangasinan PPO na nananatiling mahigpit ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga at patuloy na tinutugis ang mga indibidwal o grupong sangkot sa ganitong gawain.

Samantala, tiniyak naman ni Agent Dexter Asayco, ang Provincial Officer ng PDEA Pangasinan na posibleng sinubukan lamang gamitin ang lalawigan bilang transshipment point ng mga sindikato, ngunit napigilan ito dahil sa patuloy na koordinasyon ng mga law enforcement agencies.

Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng ilegal na droga sa lalawigan.

Matatandaan na inimbitahan ang PNP at PDEA sa isinagawang question hour ng Sangguniang Panlalawigan na pinangunahan ni 4th District Board Member Jerry Rosario, upang talakayin ang sitwasyon ng ilegal na droga sa lalawigan, ipinaliwanag ng opisyal na ang pagkakahuli ng malaking halaga ng droga ay patunay lamang na epektibo ang pinaigting na operasyon at intelligence monitoring ng kapulisan.