Dagupan City – Ipinapaalala ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa mga magulang na ang “no-collection policy” para sa graduation ay patuloy na ipinatutupad.
Anumang bayad na hinihingi bukod sa mga inilaan ng paaralan ay hindi sakop ng mga alituntunin ng ahensya.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Dr. Edwin Ferrer na batay sa DepEd order, ang graduation ay dapat na simple ngunit pormal.
Ang pondo mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng paaralan ay nakalaan para sa diploma, medalya, simpleng dekorasyon, at paggamit ng pasilidad ng paaralan tulad ng gymnasium.
Ang pangunahing layunin ay ipahayag ang pagkakapili ng mga mag-aaral bilang kandidato para sa pagtatapos, kumpirmahin ito ng superintendent, at parangalan sila ng kanilang diploma.
Saad niya na kadalasan ay ang mga gawain at gastusin na hindi sakop ng MOOE tulad ng yearbook, larawan ng pagtatapos, sablay, toga at paggamit ng magarbong venue ay mga desisyon ng Parents-Teachers Association (PTA).
Kailangang magkaroon ng General Assembly at PTA Resolution kung saan sumasang-ayon ang lahat ng magulang bago magkaroon ng ganitong mga kontribusyon.
Idinagdag din niya na hindi dapat makialam ang mga guro at punong-guro sa mga ganitong kontribusyon maliban na lamang kung ito ay naaprubahan ng lahat ng magulang.
Binigyang-diin din niya na kung ang mga magulang ay may alalahanin tungkol sa mga bayarin, dapat silang makipag-ugnayan muna sa mga opisyal ng PTA dahil sila ang namamahala sa mga gastusin na ito.










