DAGUPAN CITY- Isang magandang daan upang mapaghandaan ang nalalapit na pasukan ang pakikibahagi sa Brigada Eskwela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lito Senieto, Vice President ng National Parent Teachers Association (PTA) Philippines, aktibong nakikibahagi ang kanilang mga kasamahan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Naga, Quirino, Metro Manila, Pangasinan, at iba pang mga lugar upang tumulong sa mga gawain ng Brigada Eskwela.

Aniya, mandato at panata na ng kanilang organisasyon ang makiisa at tumulong sa abot ng kanilang makakaya para sa paghahanda ng mga paaralan.

--Ads--

Dahil na rin sa dami ng mga paaralang kailangang puntahan, aniya na maaaring hatiin ang kanilang grupo upang mas marami ang matulungan.

Bagaman may ilang paaralan nang may maayos na pasilidad, kapansin-pansin pa rin umano ang kakulangan sa kagamitan at ang pagkasira ng ilang mga silid-aralan na hindi pa naayos sa matagal na panahon.

Dagdag pa niya, may inilaan ding pondo ang ilang pampublikong paaralan para sa pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga kailangang kagamitan at pasilidad.

Nanawagan rin ang National PTA sa publiko na makiisa sa Brigada Eskwela sa kani-kanilang mga lokal na paaralan.