DAGUPAN CITY- Isang malaking hamon sa ilan ang malayong bomb shelter sa kanilang tinutuluyan, dahil kinakailangan pang tumakbo nang mabilis para lamang masigurong ligtas mula sa mga banta ng pagsabog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marjorie Fortich Sacal, Bombo International News Correspondent in Israel, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga bomb shelter sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na ng mga Pilipino, sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa bansa.
Aniya, naging bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang pagresponde sa mga alarmang nagsasaad ng panganib.
Bukod dito, pagsubok rin sa marami ang limitadong supply ng pagkain, dahil madalang na ang mga taong lumalabas upang mamili.
Dagdag pa niya, may ilan nang mga Pilipinong nais umuwi sa Pilipinas dahil sa tensyon, ngunit may ilan din na mas pinipiling manatili, dahil sa kanilang trabaho at pamilya.