Dagupan City – Inaasahang magkakaroon ng pagpapalit sa mga chairmanship ng ilang komite sa Senado mamaya, kasabay ng nakaambang pag-convene ng Senado bilang impeachment court.

Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril, legal at political consultant, kung walang mangyayaring umano’y “kudeta” o pagbabago sa liderato ng Senado, magtutuloy-tuloy ang nakatakdang reorganisasyon sa ilang komite.

Kabilang sa inaasahang maaapektuhan ang chairmanship nina Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Committee on Agriculture and Food, Senador Bam Aquino sa Committee on Education, at Senadora Risa Hontiveros sa Committee on Health.

--Ads--

Sinabi rin ni Abril na inaasahang magko-convene na ang impeachment court kung walang mosyong ihahain upang baguhin ang liderato ng Senado.

Dagdag pa niya, mahalagang magampanan ng 24 senador ang kanilang tungkulin bilang senator-judges sa nalalapit na impeachment proceedings.

Sa katunayan pa aniya, kapansin-pansin umano ang “pagpapakiramdaman” sa loob ng Senado, lalo na sa majority bloc, kung saan ilan sa mga miyembro ay nahaharap din umano sa mga pending cases.

Ikinumpara rin ni Abril ang kasalukuyang Senado sa mga nagdaang taon, kung saan aniya ay malaki na ang ipinagbago ng pananalita at paninindigan ng ilang mambabatas.

Sa kabila nito, naniniwala siyang may pag-asa pa ang Senado kung uunahin ng mga senador ang pagsisilbi sa taumbayan kaysa sa politika.

Nanawagan din siya sa publiko na iwasan ang labis na pagiging panatiko sa pulitika.