Mas matindi at hindi dapat balewalain ang panibagong babala ni US President Donald Trump sa Iran, matapos nitong sabihin na “the clock is ticking” o nauubos na ang oras kaya kailangang kumilos agad ang Tehran para sa isang peace deal bago pa lumala ang sitwasyon.

Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa United States, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, mas mabigat umano ang tono ngayon ng banta ni Trump at hindi ito dapat isantabi dahil napakritikal na ng sitwasyon.

Nagbabala si Trump ng posibleng massive military retaliation sakaling hindi tumugon ang Iran sa mga kahilingan ng Amerika.

--Ads--

Kabilang umano sa mga hinihingi ng Washington ang paglilimita sa operasyon ng mga nuclear facilities ng Iran at ang paglilipat ng enriched uranium nito sa U.S.

Kahalintulad ito ng dati nang naging pahayag ni Trump na maaaring maglaho ang isang buong sibilisasyon kung hindi papayag ang Iran sa isang kasunduan upang tuluyang matigil ang tensyon at kaguluhan sa rehiyon.

Gayunman, patuloy na nahihirapan ang magkabilang panig na magkasundo sa peace negotiations habang lalo pang lumalala ang epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan, kabilang na ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis.

Aminado rin si Pascual na ang pagsasara ng Strait of Hormuz ay nagdulot ng malaking epekto sa pandaigdigang ekonomiya, kabilang na sa Estados Unidos, kahit pa isa ito sa pinakamalalaking producer ng langis sa buong mundo.