Inanunsyo ni Donald Trump ang tatlong araw na ceasefire sa pagitan ng Russia at Ukraine mula Mayo 9 hanggang Mayo 11 bilang bahagi ng paggunita sa Victory Day o pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig para sa Russia.
Ayon kay Bombo International News Correspondent sa Amerika na si Bradford Adkins, kabilang sa napagkasunduan ng dalawang bansa ang pagpapalitan ng tig-1,000 prisoners of war mula sa Russia at Ukraine.
Sinabi rin ni Adkins na kasama sa kondisyon ng ceasefire ang pagtigil ng lahat ng “kinetic activity” o pambobomba at armadong pag-atake sa loob ng tatlong araw.
Gayunman, may mga ulat umano ng paglabag sa kasunduan kahit umiiral na ang tigil-putukan.
Ayon pa kay Adkins, bagama’t hindi gaanong ramdam ng ordinaryong mamamayan sa Amerika ang epekto ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, mahalaga pa rin ang naturang ceasefire lalo na para sa mga Russian at Ukrainian nationals na naninirahan sa Estados Unidos na may mga kaanak sa mga apektadong lugar.
Samantala, sinabi ni Adkins na mas ramdam sa Amerika ang epekto ng tensyon sa pagitan ng Iran at Israel dahil sa pagtaas umano ng presyo ng langis at gasolina.
Batay sa kanyang obserbasyon, tumaas umano ang presyo ng gasolina sa ilang bahagi ng Amerika mula dalawa hanggang tatlong dolyar kada galon hanggang umabot sa halos walong dolyar kada galon bunsod ng sigalot sa Middle East.
Nagpahayag din si Adkins ng pangamba sa mga banta umano ng Iran laban sa ilang tourist destinations sa Amerika gamit ang drone at missile technology.
Sa kabila nito, nanawagan siya sa publiko na manatiling alerto at handa sa anumang posibleng emergency o krisis.










