Dagupan City – Isinagawa ngayong araw ang huling araw ng voters registration ng Commission on Elections (COMELEC) Dagupan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.

Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor ng COMELEC Dagupan, kumpara sa mga nakaraang huling araw ng rehistrasyon, maituturing na normal lamang ang naging daloy ng mga aplikante ngayong araw at walang naitalang matinding dagsa ng mga magpaparehistro.

Sinabi ni Sarmiento na noong Marso 2026 ay nasa humigit-kumulang 143,500 na ang bilang ng mga rehistradong botante sa lungsod, ngunit inaasahang lalampas ito sa target na 144,000 voters pagsapit ng Abril hanggang Mayo dahil sa patuloy na pagdami ng mga nagpaparehistro.

--Ads--

Dagdag pa niya, karamihan sa mga katanungan ng publiko ay tungkol sa mga requirements at proseso ng pagpaparehistro bilang botante.

Kabilang sa mga kinakailangang requirements sa voters registration ang valid ID na may larawan at pirma tulad ng national ID, passport, driver’s license, o school ID para sa mga estudyante. Maaari ring magdala ng birth certificate kung kinakailangan para sa beripikasyon ng pagkakakilanlan at edad.

Pinaalalahanan din ng COMELEC na maaaring magparehistro para sa Sangguniang Kabataan elections ang mga kabataang mag-15 taong gulang sa o bago sumapit ang Nobyembre 2, 2026.

Ayon pa kay Sarmiento, naging epektibo rin ang isinagawang satellite registration sa iba’t ibang pampublikong paaralan noong Agosto 2025, dahilan upang mas maraming kabataan at first-time voters ang nahikayat na magparehistro.