Hindi sapat at kaunti lamang ang pakinabang sa pag-apruba ng House Committee on Ways and Means sa substitute bill na naglalayong bigyan ng emergency powers si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tugunan ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, na dulot ng krisis sa Middle East.

Sa ilalim ng emergency powers, maaaring pansamantalang suspindihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa langis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi nito na kailangan ng suporta ng pamahalaan para sa transport sector, mga mangingisda, magsasaka, at iba pang mahihirap na Pilipino.

--Ads--

Aniya, nasa kapangyarihan ng gobyerno na maningil ng tamang buwis sa malalaking kumpanya at magpataw ng dagdag na buwis sa mga bilyonaryo upang makalikom ng pondo para sa pangangailangan ng mahihirap at mabawasan ang kanilang pasanin.

Nababahala si Africa na mas dadami ang bilang ng mahihirap sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin.

Binigyang diin pa niya na pangunahing problema ang hindi maayos na sistema sa pagbibigay ng suporta at mabagal na proseso ng tulong sa mga nangangailangan.

Giit din ni Africa na mas epektibo kung hindi lamang excise tax kundi pati ang VAT sa langis ay tanggalin, upang mas mabilis na matulungan ang nakararami.