Nanawagan ang Philippine Air Force (PAF) sa mga residente sa Northern Luzon na huwag ikabahala ang pagdami ng fighter jet flying operations simula ngayong araw, April 6.

Batay sa pahayag na inilabas ng PAF 5th Fighter Wing ngayong araw, posibleng magiging mas madalas makita ng publiko ang paglipad ng mga fighter jet paalis at pabalik sa Basa Air Base at Clark Air Base sa Central Luzon.

Ayon sa hukbo, bahagi ito ng coordinated joint training exercises sa ilalim ng Exercise Cope Thunder 2026 kung saan maramingt air assets ng bansa ang nakikibahagi.

--Ads--

Layunin nitong mapalakas ang interoperability sa pagitan ng air assets at air force units, kahandaan sa anumang hamon, at kapabilidad.

Pinapayuhan din ng PAF ang mga residente sa posibleng pagtaas ng aircraft noise levels o ingay na dala ng mga lumilipad na fighter jets, kaya’t hiniling ng hukbo ang kooperasyon at pag-intindi ng publiko.

Pagtitiyak ng PAF, ang mga ito ay pawang planado at nakatakdang training activities at hindi dapat maging dahilan para maalarma.

Umapela naman ang hukbo sa mga Pilipino na patuloy na suportahan ang mga training at military drill na isinasagawa ng Armed Forces.