Dagupan City – Nagkaloob ang Department of Energy o DOE ng Certificate of Good Standing sa Pangasinan Wind Farm Power Project ng Airstream Renewables Corp. matapos makasunod ang kumpanya sa mga rekisito at obligasyon sa ilalim ng renewable energy service contract nito.
Saklaw ng proyekto ang mga bayan ng Labrador, Mabini, Infanta at Bugallon sa Pangasinan gayundin ang Sta. Cruz sa Zambales.
Ipinagkaloob ng DOE ang sertipikasyon kamakailan bilang patunay na sumusunod ang kumpanya sa Renewable Energy Act of 2008 at iba pang umiiral na regulasyon para sa renewable energy development.
Ang Pangasinan Wind Farm Power Project ay isa sa mga onshore wind projects na iginawad sa Airstream Renewables Corp. noong 2025 sa ilalim ng Onshore Wind Energy Service Contract.
Ayon sa DOE, mahalaga ang Certificate of Good Standing upang matiyak na naipagpapatuloy ng mga renewable energy developer ang kanilang mga proyekto alinsunod sa itinakdang timeline at contractual obligations bago ang aktuwal na konstruksyon.
Patuloy namang pinalalawak ng kumpanya ang portfolio nito sa renewable energy kabilang ang iba pang onshore at offshore wind projects sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas.










