Inatasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng online sellers, e-commerce merchants, online content creators, bloggers, at iba pang digital platform operators na magparehistro sa ahensya at maglagay ng QR-enabled BIR Registration Seal sa kanilang mga website at online pages.

Ito ang nilinaw ni Jerwin Estrada, Revenue Officer ng BIR Central Pangasinan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay ng ipinalabas na Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 38-2026.

Ayon kay Estrada, layunin ng bagong patakaran na matiyak na rehistrado sa BIR ang mga online businesses at content creators bilang bahagi ng pagpapalakas ng tax compliance sa lumalaking digital economy.

--Ads--

“Under sa ating tax code, required po ang lahat ng businesses na mag-register sa BIR. Hindi exempted ang online sellers, online content creators, bloggers at iba pang kumikita online,” ani Estrada.

Ipinaliwanag niya na kapag rehistrado na sa BIR ang isang online negosyo o content creator, maaari na silang makakuha ng Certificate of Registration (COR) na may kasamang QR code. Sa halip na buong COR ang ilagay online, QR-enabled BIR seal lamang ang kailangang i-post upang maprotektahan ang sensitibong impormasyon tulad ng Tax Identification Number (TIN).

Libre lamang umano ang pagkuha ng digital seal at maaari itong makuha sa pamamagitan ng online registration system ng BIR o ORUS (Online Registration and Update System).

Ayon pa kay Estrada, makatutulong ang QR-enabled badge upang madaling ma-verify ng consumers, bangko, at iba pang institusyon kung lehitimong rehistrado sa BIR ang isang online seller o content creator.

Saklaw ng regulasyon maging ang magitimo at registered sa BIR liliit na online sellers at part-time content creators.

Sinabi rin ni Estrada na kinakailangang magparehistro sa BIR bago magsimula ang operasyon ng negosyo o sa loob ng 30 araw mula sa pagkuha ng Mayor’s Permit o DTI Certificate of Registration upang maiwasan ang penalties para sa late registration.

Mino-monitor umano ng BIR ang pagsunod sa kautusan sa pamamagitan ng pagbisita sa mga website at online pages ng mga negosyo. Ang mga hindi makapagpo-post ng required BIR seal ay maaaring patawan ng P1,000 na multa para sa non-posting.

Naniniwala rin ang BIR na makatutulong ang bagong polisiya laban sa tax evasion sa digital economy.

Hinimok din ng opisyal ang mga online entrepreneurs at aspiring content creators na agad nang magparehistro dahil mas pinadali na ngayon ang proseso.

Kabilang lamang sa pangunahing requirements ang DTI business name certificate at anumang government-issued ID. Maaari na ring gawin online ang registration, aplikasyon para sa authority to print receipts, at registration ng books of accounts sa pamamagitan ng ORUS.

Dagdag pa ni Estrada, maaaring i-verify ang authenticity ng BIR COR, electronic COR, at BIR Registration Seal Badge gamit ang QR code scanner o mobile application.

Makikita ang buong kopya ng Revenue Memorandum Circular No. 38-2026 sa official website ng BIR.