Sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nagbigay ng mahahalagang impormasyon si Ma. Lara Naniasca, Revenue Officer ng BIR Calasiao, tungkol sa mga hakbang at kinakailangan sa paglilipat ng titulo ng real property sa pamamagitan ng Deed of Sale. Layunin nito na matulungan ang mga mamamayan na maiwasan ang kalituhan at mga problema sa batas sa hinaharap.
Ayon kay Naniasca, ang mga pangunahing dokumento na dapat ihanda ay ang notarized Deed of Sale na pirmado ng buyer at seller, Certified True Copy ng Tax Declaration mula sa Assessor’s Office, at Certified True Copy ng Title mula sa Registry of Deeds. Kung ang lupa ay walang nakatayong istruktura, kailangan din ng Certificate of No Improvement.
Binigyang-diin din niya na kung mayroong inutusan o authorized representative, dapat itong may Special Power of Attorney (SPA) na notaryado, may espesipikong detalye ng transaksyon, at may kalakip na mga ID na may specimen signature ng principal at representative. Huwag din kalimutan ang TIN (Tax Identification Number) ng parehong nagbenta at bumili.
Ipinaliwanag ni Naniasca na ang kabuuang buwis sa pag-transfer ay nasa 7.5%. Binubuo ito ng 6% Capital Gains Tax (CGT) at 1.5% Documentary Stamp Tax (DST). Ang basehan ng kompyutasyon ay kung alin ang pinakamataas sa tatlo: ang selling price, fair market value mula sa Tax Declaration, o ang zonal value na makikita sa website ng BIR. Karaniwan, ang seller ang nagbabayad ng CGT dahil ito ay base sa kanyang kinita, ngunit maaari itong magbago depende sa usapan ng magkabilang panig.
Dapat maasikaso ang pagbabayad ng buwis sa loob ng 30 araw matapos ma-notaryo ang Deed of Sale. Ang hindi pagsunod sa deadline na ito ay magreresulta sa mabibigat na multa, kabilang ang 25% surcharge, 12% interest kada taon, at compromise penalty.
Upang maiwasan ang mahabang pila, hinihikayat ng BIR ang paggamit ng e-ONETT online system na makikita sa e-services portion ng opisyal na website ng BIR. Sa pamamagitan nito, maaaring i-upload ang mga dokumento at i-process ang transaksyon kahit sa cellphone lamang. Mayroon itong convenience fee na Php 150.
Pinaalalahanan ni Naniasca ang publiko na suriing mabuti ang mga papel bago bumili ng lupa upang matiyak na walang magiging problema sa paglilipat nito sa kanilang pangalan.









