Tiniyak ng National Food Authority (NFA) Eastern Pangasinan na sapat ang kasalukuyang government rice stocks sa lalawigan para sa pangangailangan nito, habang patuloy naman ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Frederick Dulay, Branch Manager ng NFA Eastern Pangasinan, nasa 345,838 bags ang kabuuang inventory ng kanilang mga stock sa iba’t ibang warehouse sa lalawigan.
Kapag naproseso at naging bigas ang mga ito, tinatayang katumbas ito ng 272,906 bags ng bigas.
Batay sa rice requirement ng Pangasinan, sinabi ni Dulay na ang kasalukuyang government stocks ay maaaring tumagal ng hanggang 11 araw.
Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugan na mauubos ang bigas sa loob lamang ng 11 araw dahil government stocks lamang ang sakop ng naturang bilang.
Mayroon pa ring commercial at household stocks na maaaring pagkunan ng suplay.
Patuloy rin ang pagkuha ng rice stocks ng ilang local government units (LGUs) mula sa NFA warehouses para sa kanilang mga programa at relief operations.
Kabilang sa mga LGU na nakakuha na ng bigas ang Calasiao, na dalawang beses nang nag-withdraw 250 bags sa unang pagkakataon at 1,600 bags sa sumunod. Nakapag-withdraw din ang Binmaley ng 1,500 bags, habang Alaminos City naman ay nakakuha ng 241 bags.
Samantala, umabot sa 2,000 bags ang kinuha ng Office of Civil Defense mula sa NFA warehouses para sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay Dulay, walang itinakdang limitasyon sa dami ng bigas na maaaring kunin ng mga LGU, hangga’t may sapat na stocks ang NFA.
Kasabay nito, sinabi ng NFA Eastern Pangasinan na handa na ang kanilang mga warehouse para sa paparating na main crop season.
Patuloy aniya ang procurement ng NFA mula sa mga lokal na magsasaka, kabilang ang pagtanggap ng wet palay, alinsunod sa itinakdang standards at computation batay sa moisture content at iba pang kalidad ng palay.
Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang NFA sa Provincial Agriculturist’s Office at Department of Agriculture (DA) upang matukoy ang lawak ng pinsala sa mga palayan bunsod ng pagbaha at mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Dulay, wala pa silang sapat na datos upang matukoy kung gaano kalaki ang magiging epekto ng mga pinsala sa procurement activities ng NFA.
Dahil dito, hindi pa rin aniya maaaring sabihin kung magkakaroon ng epekto ang mga nasirang pananim sa kabuuang suplay ng bigas sa lalawigan.









