DAGUPAN CITY- Nakasanayan na ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Hongkong na magkaroon ng salo-salo sa tuwing sumasapit ang paggunita ng Father’s Day.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlon Pantat De Guzman, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, kaniya-kaniya silang nagdadala ng mga pagkain habang nakalatag ang kanilang tent para sa simpleng picnic o salo-salo.
Aniya, malayo man sila sa kanilang pamilya, sa simpleng aktibidad na ito ay maipaparamdam sa mga tatay na OFW ang kanilang halaga bilang isang haligi ng tahanan.
At para kay De Guzman, hindi man makasama ang pamilya sa selebrasyon ay hindi mawawala ang paglibre niya sa mga ito na kumain sa labas.
Ibinahagi naman niya na ang pagiging isang ama ay isang kasiyahan para sa kaniyang buhay.
Bilang ama, parati niyang bitbit ang prinsipyong pagsustento sa pangangailangan ng kaniyang pamilya nang walang inaasahang kapalit.
Kahilingan lamang niya para sa kaniyang mga anak na maging malawak ang kaisipan sa mundo at iwasan ang hindi makabubuti sa kanilang buhay.
Naniniwala naman siya na kung ano ang hindi pa maintindihan ng kaniyang mga anak ay maiintindihan din nila kapag sila ay naging magulang na.
Saad pa niya na hindi siya strikto sa pagdidisiplina sa kaniyang mga anak basta lamang ay namomonitor niya ang mga ito.
Nais naman ni De Guzman na tumatak sa kaniyang pamilya ang ipinakita’t ipinaramdam niyang pagmamahal at pangangalaga.