Hinikayat ng grupong Ban Toxics ang mga mamimili na maging mas maingat at mapanuri sa pagbili ng mga gamit sa paaralan ngayong nalalapit ang pagbubukas ng klase.
Nagbabala si Tony Dizon, campaigner ng Ban Toxics, may ilang school supplies ang natuklasan na naglalaman ng mapanganib na kemikal tulad ng cadmium at lead na posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng mga bata.
Ayon kay Dizon, sa mga isinagawang pagsusuri ng kanilang grupo ay may ilang school items na natuklasang may taglay na naturang mga kemikal.
Kabilang dito ang ilang makukulay at makikinang na produkto na karaniwang nakakakuha ng atensyon sa mga mamimili.
Ipinaliwanag niya na ang cadmium at lead ay mga nakalalasong sangkap na maaaring makapasok sa katawan ng bata sa pamamagitan ng madalas na paghawak sa mga kontaminadong gamit at paglalagay ng kamay sa bibig.
Partikular na maapektuhan ang utak ng mga bata kapag na expose sa nasabing kemikal.
Dahil dito, mahalagang maging maingat ang mga magulang sa pagpili ng mga produktong bibilhin para sa kanilang mga anak at huwag basta magpadala sa magandang itsura o murang presyo ng mga ito.










