Dagupan City – Umabot sa 45 benepisyaryo ng Special Training and Activity Center (STAC) sa Pozorrubio ang nakatanggap ng mga educational toys at school supplies sa isinagawang outreach program ng National Movement of Young Legislators (NMYL).
Layunin ng programa na makatulong sa pag-aaral, paglinang ng kakayahan, at pagpapabuti ng pakikisalamuha ng mga batang may espesyal na pangangailangan.
Nakinabang sa nasabing aktibidad ang mga batang nakatala sa STAC kasama ang kanilang mga pamilya.
Dumalo rin sa programa ang mga magulang, lokal na opisyal, at mga miyembro ng NMYL mula sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan.
Pinangunahan ang inisyatiba ni NMYL President at Alaminos City Vice Mayor Anton Perez, na muling nagpatibay ng adbokasiya ng organisasyon na tiyaking walang batang maiiwan pagdating sa edukasyon at pag-unlad.
Ayon kay Perez, mahalagang maiparamdam sa mga magulang at bata na may mga programang nakahandang sumuporta sa kanilang pangangailangan.
Samantala, matapos ang aktibidad sa Pozorrubio ay nagtungo rin ang delegasyon ng NMYL sa Asingan kung saan namahagi din sila ng educational toys at bitamina sa mga benepisyaryo ng STAC sa naturang bayan.
Kasama rin sa outreach activity ang ilang konsehal mula sa iba’t ibang munisipalidad na miyembro ng organisasyon, na nagkaisa sa pagsusulong ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga bata at inklusibong pag-unlad ng komunidad.
Batay sa organisasyon, bahagi lamang ito ng kanilang patuloy na kampanya upang mapalawak ang access ng mga kabataan sa edukasyon, suporta, at iba pang serbisyong makatutulong sa kanilang paglago at tagumpay sa hinaharap.










