DAGUPAN CITY- Ikinabahala ng PAMALAKAYA ang epekto ng matinding oil price hike sa suplay ng isda sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap, chairperson ng grupo, karagdagan ito sa kanilang gastos sa tuwing papalaot, sumasabay pa ang kakaonting huli dahil sa overfishing at panghihimasok ng commercial fishing vessels sa municipal waters.

Aniya, madalas nilang ginagastos na petrolyo tuwing pumapalaot ay hindi bababa sa 10 litro.

--Ads--

Nadaragdagan pa ito ngayong kinakailangan nilang lumayo-layo upang matiyak na may maiuuwing huling isda.

At sa pagtaas pa ng presyo ng petrolyo, posibleng bababa na lamang sa hindi higit 4 na oras ang paglaot o di naman ay magtitiis muna sa pagsasagwan para makatipid.

Makakaapekto ito sa suplay ng isda sa merkado kaya hiling nila ang kagyat na tulong para sa mga mangingisda.

Mungkahi pa ni Hicap na pagtanggal sa excise tax at value added tax upang magkaroon ng pagbawas sa presyo ng petrolyo.

Hindi lang ito agarang solusyon kundi long-term solution sa kinakaharap na problema ng bansa.