Dagupan City – Ipapasara na ng Lokal na pamahalaan ng Dagupan ang Materials Recovery Facility (MRF) ng Barangay bonua Binloc dahil sa pagiging hindi epektibo nito sa tamang pamamahala ng basura.

Ayon sa mga awtoridad, ang lugar ay naging mini dumpsite na, na umabot na sa 2.5 ektarya ang sakop na hindi maayos na pinamamahalaan tungkol sa pagtatapon ng basura.

Plano ng Lokal na pamahalaan na isagawa ang paglilinis ng lugar pagkatapos ng pagsasara katuwang ang Waste Management Division.

--Ads--

Kasama sa mga gagawing aksyon ang pagtatakda ng mga hangganan gamit ang mga poste para hindi na maling itapon ang basura.

Bibigyan din ng paalala ang mga residente na kailangang sundin ang tamang proseso ng paghihiwalay ng mga basura.

Bilang bahagi ng paglilinis, ipinapaliwanag na kailangang magkaroon ng tamang paghihiwalay ng mga dumi upang mapadali ang proseso.

Dapat aniya itong sumunod sa mga alituntunin ng lokal na pamahalaan at ng DENR para maiwasan ang pagkakaroon ng mga problema sa kapaligiran.

Ang Pagsasara ng MRF sa lugar ay bahagi ng plano ng lungsod na ipatupad ang mas mahigpit na mga patakaran sa waste management.

Hinihikayat din ang mga residente na sumunod sa mga alituntunin tungkol sa tamang paghihiwalay at pagtatapon ng basura para hindi na lumala ang problema ng basura sa kanilang barangay.