DAGUPAN CITY- Umabot sa mahigit 70,000 deboto ang dumagsa sa bayan ng Calasiao sa kasagsagan ng Semana Santa, habang nanatiling mapayapa at walang naitalang malalang insidente sa buong selebrasyon.

Ayon kay Kristine Joy Soriano, spokesperson ng MDRRMO Calasiao, bagamat walang naitalang insidenteng may kaugnayan sa Semana Santa, may isang kaso ng aksidente na agad narespondehan kung saan nasagi ng tricycle ang isang pasyente matapos itong umiwas sa isa pang sasakyan.

Aniya na umabot sa halos 34,000 ang bilang ng mga bumisita noong Huwebes Santo at tinatayang 39,000 naman noong Biyernes Santo, partikular sa Sts. Peter and Paul Parish at Señor Tesoro Divino Shrine.

--Ads--

Gayunman, bahagyang bumaba ito kumpara noong nakaraang taon na pumapalo sa 30,000 hanggang 50,000 kada araw, na posibleng dulot ng mataas na presyo ng petrolyo at pagpili ng iba na sa mas malalapit na simbahan na lamang magpunta.

Ayon kay Soriano, karamihan lamang sa mga naitalang na-assist ng mga awtoridad ay nakaranas ng pagkahilo dahil sa init ng panahon at minor na sugat sa paa bunsod ng penitensiya tulad ng paglalakad nang nakapaa.

Samantala, nagpatupad din ng mahigpit na koordinasyon sa mga resort at barangay, lalo na sa mga malapit sa ilog, kung saan ipinagbawal ang paglangoy upang maiwasan ang aksidente.