Dagupan City – Nagpahayag ng pangamba ang Magsasaka Partylist sa lokal na produksyon ng agrikultura sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Argel Cabatbat, chairman ng Magsasaka Partylist, sinabi nito na isa ang sektor ng agrikultura sa pinaka-apektado kung aabot sa ₱90 kada litro ang presyo ng gasolina.

Aniya, maraming gamit ng mga magsasaka ang direktang nakadepende sa petrolyo tulad ng fertilizer, abono, rice mill, at harvester, kaya’t tumataas din ang kanilang gastos sa produksyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, kahit hindi pa nagsisimula ang anihan ay nagsisimula na ring bumagsak ang presyo ng palay, na lalo pang nagpapabigat sa kalagayan ng mga magsasaka.

Ipinaliwanag din ni Cabatbat na tinatayang 20 porsiyentong petroleum products sa Middle East ay nagmumula sa Iran, kaya malaki ang epekto ng kasalukuyang tensyon at digmaan sa rehiyon sa pandaigdigang presyo ng langis.

Kaugnay nito, nananawagan naman si Cabatbat na sana’y imbestigahan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa, dahil anila ay halos kasabay agad ng pagsiklab ng kaguluhan sa Gitnang Silangan ang pagtaas ng presyo ng petroleum products sa Pilipinas.

Kung kaya’t nararapat ding magpaliwanag ang mga kinauukulang ahensya hinggil dito.

Samantala, nagpaabot naman siya ng pasasalamat sa Department of Agriculture (DA) sa inilaan nitong ₱100 milyong tulong na paghahatian ng mga magsasaka at mangingisda.

Gayunman, tinuligsa niya na hindi pa tiyak kung makararating ang tulong sa mga tunay na benepisyaryo, lalo na’t tinatayang 14,000 magsasaka lamang ang matutulungan, na aniya’y kulang na kulang kumpara sa dami ng nangangailangan.

Umaasa rin ang grupo na mapalawak at maging epektibo ang solar irrigation projects upang makatulong sa pagpapababa ng gastusin ng mga magsasaka sa patubig.

Binigyang-diin ni Cabatbat na dapat magkaroon ng pananagutan sa mga umano’y anomalya at katiwalian na dahilan kung bakit hindi umano nakararating sa mga magsasaka ang mga tulong na inilaan para sa kanila.

Isa rin sa kinatatakutan ng grupo ang posibleng pagtagal ng digmaan sa Gitnang Silangan, dahil maaari itong magdulot ng panibagong pagtaas sa presyo ng krudo sa bansa.

Sa kabila nito, ikinadidismaya ni Cabatbat ang kalagayan ng mga magsasaka na aniya’y unang tinatawaran ang presyo ng kanilang ani.

Aniya, habang bumabagsak ang presyo ng palay sa bukid, nadodoble o minsan ay natitriple naman ang presyo ng bigas pagdating sa merkado.