DAGUPAN CITY- Magpapatupad umano ang lokal na pamahalaan ng Dagupan ng ordinansa ukol sa pagbabawal sa pagsasagawa ng Boss Ironman Challenge sa syudad.

Ayon kay Dagupan City Mayro Belen Fernandez, maliban kase sa hindi naman ito nagbibigay ng magandang dulot sa residente ng syudad, nilalagay lamang nito sa kapahamakan ang mga ito.

Sa katunayan, nung umpisa lamang ay hindi na aniya sila interesado sa nasabing event at tutol din sila na isagawa ito sa syudad.

--Ads--

Hindi rin aniya nila ito nais i-promote dahil marami ang mga kabataan sa lungsod ang nagmomotor.

Kaya sa ngayon, nakikipagtulungan sila sa Land Transportation Office na tiyakin na may lisensya ang mga motorista.

Bukod sa nasabing event, nais din nilang paigtingin ang kaligtasan ng mga motorista.

At sa tulong ng mga kapulisan, marami na aniya silang nahuhuling walang kaukulang permit at helmet.

Maliban diyan, may nahuhuli na din silang mga nagsasagawa ng drag racing tuwing hating gabi.

Saad pa ng alkalde, nagbibigay man ito ng excitement sa mga sumasali sa Ironman challenge, hindi naman ito magandang ehemplo sa mga residente ng Dagupan partikular na ang mga kabataan.

Umaasa naman si Mayor Fernandez, na magkaroon ng resolusyon upang magsagawa ng public hearing at maipasa agad ang ordinansa.