Handang-handa na ang DepEd Region 1 para sa nalalapit na Palarong Pambansa 2026 na gaganapin mula Mayo 26 hanggang 31 sa Agusan Del Sur sa parte ng Caraga Region.
Ayon kay Ryan Bantiding, Regional Sports Officer ng DepEd Region 1, nagsimula ang paghahanda ng delegasyon matapos ang Regional Athletic Association Meet na naganap sa Candon City sa Ilocos Sur at mayroon silang 631 na atletang lalahok para sa paligsahan.
Saad niya na nagsimula na ang pagdating ng mga atleta sa lugar noong Mayo 16, kung saan 33 na atleta mula sa dalawang dibisyon ang dumating.
Dumating naman ang iba pang delegasyon noong Mayo 17, habang ang iba ay nakarating noong Mayo 18 ngunit inaasahan na mabubuo ang mga delegasyon sa Mayo 24.
Sa kabuuan mayroon silang delegasyon na aabot sa 894 na kinabibilangan ng 631 na atleta, 92 na coaches, 26 na assistant coaches, 21 na Chaperones at 124 na kasapi ng Technical Working Group.
Tiniyak nito na sa dami ng mga atleta ngayon ay halos lahat ng sports event ay kanilang masasalihan.
Ibinahagi naman nito na malaki ang tyansa ng Rehiyon 1 na makapagsungkit ng medalya sa ilang sports event dahil sa nakita nilang husay sa mga atleta ng swimming , badminton, at iba pa.
Nadagdagan naman aniya ang mga opisyal na palaro ngayong taon kabilang ang futsal at weightlifting, kaya’t tumaas din ang bilang ng mga kalahok.
Saad niya na noong Palarong Pambansa 2025, nakapwesto ang rehiyon sa ika-12 at ngayong taon ay layuning mapataas ang ranggo kahit ilang hakbang lamang.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Bantiding ang kahalagahan ng acclimatization para sa mga atleta, lalo na’t mas mainit ang klima sa Agusan Del Sur kumpara sa Rehiyon 1.
Kailangang masanay agad ang mga atleta sa bagong kapaligiran para maipakita nila ang kanilang galing.
Kinikilala naman nila na may mga malalakas na delegasyon tulad ng National Capital Region at Region 4B na laging nangunguna sa Palarong Pambansa.
Kahit pa ganon umaasa sila na kapag nakaharap nila ang mga ito kung hindi man makakuha ng medalya ay magbibigay na lamang sila ng magandang laban.
Binanggit nito na ang pansamantalang tutuluyan ng mga delegado ay sa Salvacion Central Elementary School at Salvacion National High School sa Bayugan City.
Wala namang nakitang problema sa paghahanda ng mga pasilidad sa Bayugan City na opisyal na billeting school ng mga atleta ng Region 1.
Maganda umano dito dahil may mga nailagay na aircon, at may mga inilaan sa lugar para sa pagkain, inumin, at iba pang pangangailangan.
Samantala, lubos ang pasasalamat ng DepEd Region 1 sa mga lokal na pamahalaan na buong sumusuporta sa mga atleta mula sa kanilang sariling pagsasanay hanggang sa pagdating sa lugar ng palaro.
Hinihikayat din ang publiko na patuloy na suportahan ang mga kinatawan ng Region 1 na makikipaglaban para sa karangalan ng Rehiyon.










