Pinaigting ng Dagupan City Police Office Police Station 6 ang pagpapatrolya at pagbabantay sa mga baybaying lugar sa Bonuan upang maiwasan ang mga aksidente at mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Ayon kay PCapt. Nicodemus R. Cabais, Officer-in-charge DCPO Police Station 6, mahigpit nilang ipinapatupad ang pagbabawal sa pagtambay at pagtulog malapit sa dalampasigan upang maiwasan ang posibleng pagkalunod at iba pang insidente lalo na kapag mataas ang tubig-dagat.
Sinabi nito na may mga pagkakataong may mga indibidwal na natutulog malapit sa dagat kaya patuloy ang kanilang pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Bukod dito, ipinagbabawal din umano ang pag-inom ng alak sa mismong baybayin bilang bahagi ng pagpapatupad ng peace and order measures sa lugar.
Ayon pa sa opisyal, 24 oras ang kanilang monitoring operations katuwang ang Dagupan City Mobile Force sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Silaran.
Nakikipag-ugnayan din umano ang pulisya sa mga opisyal ng barangay sa Gueset at Binloc upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng checkpoint operations ng Police Station 6 bagamat hindi isinasapubliko ang eksaktong oras nito upang hindi mabatid ng mga posibleng lumalabag sa batas.
Ayon kay Cabais, maayos naman umano ang kooperasyon ng publiko sa kanilang mga operasyon at checkpoints.
Sinabi rin nito na karamihan sa mga nahuhuling lumalabag sa batas-trapiko ay hindi residente ng Dagupan City dahil batid na umano ng mga lokal na residente ang mga ipinatutupad na ordinansa at regulasyon sa lungsod.
Nagpasalamat naman ang pulisya sa patuloy na pakikiisa ng publiko sa kanilang mga programa upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa mga baybaying lugar ng Dagupan City.










