Nasawi ang isang lalaki habang apat na iba pa ang sugatan matapos ang nangyaring vehicular accident na kinasangkutan ng motorsiklo at tricycle sa bayan ng Binmaley, Pangasinan.
Naganap ang insidente bandang alas-kuwatro ng madaling araw sa bahagi ng Brgy. Caloocan Sur.
Batay sa impormasyong nakalap, magkaangkas sa motorsiklo ang biktima at isa pang lalaki habang binabagtas ang naturang kalsada nang umano’y lumihis ito sa kabilang linya ng daan.
Dito nito nakabanggaan ang kasalubong na tricycle na may sakay na tatlong indibidwal.
Dahil sa lakas ng salpukan ay napuruhan ang mga sakay ng dalawang sasakyan at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mabilis namang dinala sa ospital ang mga nasugatan ngunit hindi na umabot nang buhay ang rider ng motorsiklo at idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas at inoobserbahan ang apat pang biktima na nasangkot sa aksidente.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kabuuang detalye at sanhi ng insidente.










