DAGUPAN CITY- Nananatiling gipit at naiipit ang sektor ng magsasaka sa kasalukuyan dulot ng mga suliranin sa pagtaas ng mga bilihin at pangangailan at sa hindi patas na kilos ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinahayag ni Leonardo Montemayor, Presidente ng Federation of Free Farmers, na humina ang produksyon ng bigas sa bansa sa unang 3-4 na buwan ng 2026 at inaasahan pa ang pagbaba nito.
Ito ay dulot ng pagtaas sa presyo ng bigas sa parehong lokal at imported na produksyon, kasabay ng pag-iral ng samu’t saring sigalot sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Inaasahan pa nila ang lalong paghina ng produksyon sa nalalapit na anihan dahil sa inaasahang pagtaas sa presyo ng abono at produktong petrolyo.
Karagdagan pa sa problema ng mga magsasaka ang maaaring maudlot na susunod na pagtatanim dahil sa banta ng El Nino.
Labis na maaapektuhan nito ang mga magsasaka na umaasa sa patubig mula sa reservoir system ng mga Dam.
Inabisuhan niya ang mga magsasaka na maaapektuhan nito na lumipat muna sa pagtatanim ng mga hindi gaano nangangailangan ng tubig.
Mariing nananawagan si Montemayor sa gobyerno at Local Government Units (LGUs) na agarang ipatupad ang mga hakbangin sa lalong madaling panahon.
Gayunpaman, kanilang kinwestyon ang walang konsultasyon ng Department of Agriculture (DA) sa mga pangunahing stakeholders hinggil sa binabalak na pagtakda ng Suggested Retail Price (SRP) na P53 kada kilo sa lokal na bigas.
Isa ito sa kanilang iniisip lalo na’t hindi nila mawari ang nakikita ng ahensya na positibo at negatibong maidudulot nito sa industriya.
At sa bahagi ng ayuda, hindi nagiging risonable ang gobyerno sa hindi patas na pamamahagi nito at kakarampot lamang ang natanggap ng mga magsasaka.










