Kumilos at agad nag-imbestiga ang lokal na pamahalaan ng Manaoag matapos kumalat sa social media ang video ng isang bisita na umano’y nabiktima ng “budol” o panloloko dahil sa sobrang mahal na presyo ng kandila sa Manaoag.
Ayon kay Mayor Jeremy “Ming” Rosario, bagama’t totoo ang insidente, isolated case lamang ito at karamihan sa mga nanamantala ay hindi taga-Manaoag.
Nagpahayag din siya ng pagkadismaya dahil “nalahat” ang mga taga-Manaoag sa insidente, ngunit tiniyak na patuloy nilang tutugisin ang mga sangkot sa ganitong uri ng aktibidad.
Gayunpaman, isinasaayos na nila ang mga candle boys, parking boys, at vendors upang mas madaling makilala at magkakaroon ng uniform at ID ang mga rehistrado para maiwasan ang ganitong sitwasyon.
Saad niya, nakikipag-ugnayan na sila sa DTI para sa regulasyon ng presyo ng ilamg produkto sa bayan at maging ang mga presyo sa mga pribadong parking area para iwas sa taas singil sa mga bisita.
Pinayuhan naman nito ang kanyang nasasakupan na alagaan ang kanilang mga bisita dahil dito sila nabubuhay para hindi magkaroon ng negatibong tingin sa kanila.
Kaugnay nito, nanindigan naman si Eric Juanatas, Municipal Coordinator for Candle and Parking Boys Association, hindi lahat ng candle boys ay nanloloko.
Ginagawa na rin nila ang mga hakbang para maiwasan ang ganitong insidente, tulad ng paggawa ng bagong ID at pagbibigay ng t-shirt sa mga candle boys para sa pagkakakilanlan nila.
Hinimok niya ang mga bisita na huwag mag-alala, dahil mababait ang mga nagtitinda sa Manaoag ngunit kung may mamimilit man sa kanila ay agad na magsumbong sa mga awtoridad para sa tamang proseso.
Samantala, tiniyak din ng lokal na pamahalaan na patuloy nilang pagagandahin ang serbisyo sa parking at traffic, lalo na sa paghahanda sa Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of Manaoag sa April 22.










