CALASIAO, Pangasinan — Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Calasiao ang kaayusan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase ngayong School Year 2026–2027 sa pamamagitan ng iba’t ibang hakbang at programa para sa mga pampublikong paaralan sa bayan.

Ayon kay Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat, isa sa mga isinagawang paghahanda ng munisipyo ang lingguhang paglilinis at pagsasaayos ng mga paaralan katuwang ang mga empleyado ng munisipyo upang matiyak na maayos at ligtas ang kapaligiran ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik-eskwela.

Bukod dito, namahagi rin ang munisipyo ng mga school bags at school supplies sa lahat ng Grade 1 hanggang Grade 6 na mag-aaral sa pampublikong paaralan sa Calasiao upang makatulong sa paghahanda ng mga mag-aaral para sa bagong taon ng pag-aaral at mabawasan ang gastusin ng kanilang mga pamilya.

--Ads--

Samantala, patuloy din ang pagpapatupad ng mga programa ng lokal na pamahalaan upang matugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa ilang bahagi ng bayan.

Ayon kay Mayor Caramat, tuluy-tuloy ang paglilinis at pagsasaayos ng mga ilog at iba pang daluyan ng tubig sa pakikipagtulungan ng mga barangay at ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Ramon Guico III.

Aniya, layunin ng mga hakbang na mapabilis ang daloy ng tubig sa mga daluyan upang mabawasan ang epekto ng pagbaha, lalo na sa panahon ng tag-ulan, at matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mga mag-aaral.