Isinusulong ng National Authority for Child Care- Regional Alternative Child Care Office 1 (NACC-RACCO 1) ang legal na proseso ng pag-ampon upang mabigyan ng ligtas at maayos na tahanan ang mga batang pinabayaan, inabandona, at inabuso ng kanilang biological parent.
Sa isang media forum, tinalakay ng RACCO 1 ang mga hakbang sa legal na pag-ampon at kung paano maging isang lisensyadong foster parents.
Ayon sa kanilang ulat, mayroon nang 78 lisensyadong foster parents sa rehiyon kung saan 10 dito ay sa Ilocos Norte, 18 sa Ilocos Sur, 22 sa La Union, at 28 sa Pangasinan na nangangalaga sa 85 mga bata.
Ayon sa panayam kay Gng Hiyasmin Joy O. Nieva-Rabelas, Social Welfare Officer IV at Officer in Charge ng RACCO 1, mahalaga ang pagsunod sa legal na proseso upang maprotektahan ang mga bata at maiwasan ang mga problemang maaring maranasan sa hinaharap.
Ginamit din nila ang media forum upang magbigay ng impormasyon at gabay sa publiko hinggil sa mga probisyon ng batas ukol sa pag-aampon.
Inilarawan ni Rabelas ang pag-ampon bilang isang “selfless act” na nagbibigay ng bagong buhay at pag-asa sa mga bata na nangangailangan ng pagmamahal at kalinga ng isang mabuting magulang.
Sinabi niya na sa pamamagitan ng legal na proseso, mapoprotektahan ang mga karapatan, pribilehiyo, at katayuan ng mga inampon sa isang pamilya para sa bagong buhay at pag-asang nag-aabang sa kanila.
Inaanyayahan ng RACCO 1 ang publiko na maging “license foster parents” upang mas marami pang batang matulungan.
Para sa mga interesado, makipag-ugnayan lamang sa kanilang opisina at social media account para sa karagdagang impormasyon at suporta.
Samantala, kasabay nito bilang bahagi ng selebrasyon ng ikatlong taon ng Adoption and Alternative Child Care Week, naglunsad ang RACCO 1 ng mga programa upang maitaas pa lalo ang kamalayan ng publiko patungkol sa usaping ito para sa kapakanan ng bawat batang nangangailangan ng aruga ng mapagmahal na pamilya.