Mariing itinanggi ng kampo ni Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez ang mga pahiwatig ng Office of the Ombudsman na siya ang “mastermind” sa iregularidad sa mga flood control projects dahil sa pagkakaroon diumano ng “functional control” sa pambansang badyet noong siya ay Speaker pa ng Kamara.

Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, na walang katotohanan ang paratang at walang iisang opisyal ang may solong hawak sa pag-apruba ng pondo ng pamahalaan.

“Linawin po natin: there is no such thing as ‘functional control’ over the budget process. Hindi po ginagawa ng iisang tao ang national budget. Hindi ito hawak ng iisang opisina lamang, at lalong hindi ito kayang diktahan o kontrolin ng House Speaker,” ani Atienza.

--Ads--

Isinagawa ng kampo ni Romualdez ang paglilinaw matapos magpalabas ng pahayag ang Ombudsman na nag-uugnay sa mambabatas sa naturang anomalya base sa kaniyang naging posisyon sa Kamara.

Paliwanag ni Atienza, ang pambansang badyet ay dumadaan sa isang mahaba at “multi-layered” na institusyonal na proseso.

Nagsisimula aniya ito sa mga ahensya ng Ehekutibo para sa National Expenditure Program (NEP), bago sumalang sa magkahiwalay na deliberasyon at pagdinig sa Kamara at Senado.

Sumasailalim din ito sa Bicameral Conference Committee bago ipadala sa Pangulo para sa pinal na pag-apruba o pag-veto.

Idiniin din ng abogado na walang kapangyarihan ang mga mambabatas o ang Speaker na maglabas ng pondo, magpatupad ng mga proyekto, o mag-inspeksyon sa mga natapos na imprastraktura.

Nanawagan ang kampo ng mambabatas para sa kapanatagan at patas na pagtrato, kasabay ng paalala na ang pananagutan ay dapat ibatay sa matibay na ebidensya at hindi sa mga espekulasyon o posisyon sa gobyerno.

Inihayag naman ni Atienza na handa si Romualdez na harapin at sagutin ang lahat ng mga akusasyon sa pamamagitan ng tamang proseso ng batas.

” We therefor call for sobriety, fairness and fidelity to the rules. Sweeping public pronouncements that point to Rep. Romualdez as the grand architect of a collegial and multi-faceted process involving the Executive, the House and the Senate don does not help the search for truth,” pahayag ni Atienza. // Via Bombo Analy Soberano