Nilinaw ni Laoac Mayor Ricardo Balderas ang planong pagpapatayo ng bagong commercial building na popondohan sa pamamagitan ng loan matapos itong kuwestiyunin ng ilang kritiko na nangangambang maaaring maging pabigat sa pananalapi ng bayan ang naturang proyekto.

Sa kanyang pahayag, iginiit ng alkalde na karaniwan nang ginagamit ng mga lokal na pamahalaan ang loan financing para maisakatuparan ang malalaking imprastraktura at development projects, lalo na kung hindi sapat ang kasalukuyang pondo ng munisipalidad.

Ayon kay Balderas, ang planong commercial building ay isang investment project na inaasahang magbibigay ng karagdagang kita sa pamahalaang bayan.

--Ads--

Aniya, ang malilikom na kita mula rito ay maaaring gamitin sa pagpapatupad ng iba pang programang pangkaunlaran at serbisyong pampubliko para sa mga residente.

Ipinaliwanag din ng alkalde na limitado ang natatanggap na National Tax Allotment (NTA) ng Laoac bilang isang second-class municipality, kaya kinakailangan umanong humanap ng iba pang mapagkukunan ng pondo upang maisulong ang mga proyektong makatutulong sa paglago ng lokal na ekonomiya.

Hiniling ni Balderas sa mga residente na tingnan ang pangmatagalang benepisyo ng proyekto sa halip na ang agarang gastusin nito.

Binigyang-diin niyang matagal nang bahagi ng kanyang development agenda ang pagpapalit sa lumang commercial building, maging noong una siyang tumakbo bilang alkalde noong 2019.

Ayon pa sa alkalde, hindi muna ito naisakatuparan dahil inuna ng kanyang administrasyon ang iba pang proyektong may mas agarang pakinabang para sa mga mamamayan. Ngayong ikalawang termino niya, sinabi niyang panahon na upang isulong ang redevelopment ng naturang pasilidad.

Binanggit din ni Balderas na hindi patas ang kasalukuyang sistema ng upa sa lumang commercial building dahil mababa umano ang ibinabayad ng ilang stallholders sa pamahalaan kumpara sa kinikita ng mga nagpapaupa ng puwesto sa mga pribadong negosyante.

Samantala, mariin niyang itinanggi ang mga alegasyon ng katiwalian kaugnay ng proyekto at hinikayat ang publiko na suriin ang mga natapos at kasalukuyang proyekto ng kanyang administrasyon bilang patunay ng maayos na paggamit ng pondo ng bayan.

Nanindigan ang alkalde na kinakailangang sumabay ang Laoac sa pag-unlad ng iba pang bayan sa Pangasinan upang hindi maiwan sa larangan ng kaunlaran at pamumuhunan.