Nahanap na ang katawan ng isang trese anyos na batang lalaki at Grade 8 na estudyante matapos siyang malunod sa San Vicente River sa bayan ng Calasiao.

Ayon sa ulat, tinulungan niya muna ang kanyang dalawang kaibigan na nalulunod bago siya mismo napunta sa mapanganib na bahagi ng ilog.

Naganap ang insidente nitong Sabado pasado alas tres ng hapon sa Brgy. Nalsian, malapit sa San Vicente Bridge.

--Ads--

Ayon sa mga kasama ng biktima, nagyaya umano siya na maligo sila sa ilog.

Habang sila ay naliligo, bigla namang napunta sa malalim na bahagi ng ilog ang dalawang kaibigan ng biktima, kaya agad niyang tinulungan.

Matapos matulungan ang dalawang kaibigan, napunta naman sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima at nalunod.

Sinubukan pa umano siyang iligtas ng mga kasama, ngunit nahirapan sila dahil sa lakas ng agos ng tubig.

Agad silang nagbigay-alam sa mga otoridad matapos mangyari ang insidente.

Pinangunahan ang paghahanap sa batang lalaki ng Calasiao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Calasiao Bureau of Fire Protection (BFP), Calasiao Municipal Police Station, at mga boluntaryong indibidwal.

Matapos ang mahabang paghahanap, natagpuan na ang katawan ng biktima kaninang umaga.

Bago pa matagpuan ang katawan, inihayag ng mga kasama at pamilya ng biktima na umaasa silang makikita pa itong buhay.

Subalit sa kasamaang palad, natagpuan na itong walang buhay sa ilog.

Dahil sa pangyayari, Binigyang-diin ng mga otoridad na mag-ingat ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataan kapag naliligo sa mga ilog, batis, o iba pang anyong tubig, lalo na kung hindi alam ang lalim at lakas ng agos nito upang hindi mapahamak.