DAGUPAN CITY- Damang-dama ang kasiyahan ng mga lumahok, at sabay-sabay nilang iwagayway ang watawat ng Pilipinas bilang simbolo ng pagkakaisa at paninindigan sa West Philippine Sea sa isinagawang Sea Concert.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Francis Dee Aquino, isang “Atin Ito” advocate, ibinahagi niyang ipinamalas ng mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng matagumpay na pag-oorganisa ng dalawang makabayang konsiyerto, isa sa baybayin ng El Nido, Palawan at isa pa sa Pag-asa Island.
Aniya, iba’t ibang grupo mula sa mga civilian volunteers, isang theater association, at iba pang mga indibidwal ang nagtulungan upang maisakatuparan ang nasabing aktibidad sa mabilis na panahon.
Isa rin sa mga mungkahing lumutang sa mga forum na isinagawa kasabay ng aktibidad ay ang pagkakaroon ng basic diplomatic training para sa mga mangingisda upang mas maging handa sila sa mga sitwasyong maaaring kaharapin sa karagatan.
Bilang mensahe sa pamahalaan, hinikayat niya ang mga lider ng bansa na panatilihin ang matatag na paninindigan at tiyaking ang lahat ng hakbang ay magdudulot ng kapakinabangan para sa sambayanang Pilipino.