DAGUPAN CITY- Sugatan ang isang construction worker matapos hampasin ng bote ng katrabaho sa isang KTV bar sa Brgy. Gonzalo, San Quintin bandang 11:30 ng gabi.

Ayon kay PCapt. Fernandez III, hepe ng San Quintin PNP, parehong manggagawa sa isang ginagawang resort sa Brgy. Evangelista sa bayan ng Umingan ang 41-anyos na biktima at 38-anyos na suspek.

Kasama ang iba pang katrabaho, nagkayayaan umano silang mag-inuman sa naturang bar.

--Ads--

Nagalit ang suspek matapos patayin ng biktima ang videoke habang siya ay kumakanta, kasunod ng abiso mula sa may-ari ng KTV na papatayin na ang videoke dahil sa curfew.

Hinampas ng suspek ang biktima sa ulo gamit ang basyong bote ng alak. Dinala sa ospital ang biktima habang boluntaryong sumuko ang suspek sa Umingan Police Station at kalaunan ay inilipat sa San Quintin PNP.

Nagsampa na ng kaso laban sa suspek.

Bagamat tuloy-tuloy ang pagpapatrolya ng mga pulis kahit dis-oras ng gabi, hindi naaktuhan ng mga awtoridad ang insidente dahil hindi ito agad naiulat sa kanila.

Sa halip, unang naiulat ito sa Umingan PNP.