Dagupan City – Nasawi ang isang 18-anyos na residente ng Brgy. Lanas, Mangaldan, Pangasinan matapos malunod sa bahagi ng dagat sa Brgy. Bonuan Binloc, Dagupan City noong Mayo 14.
Ayon kay PCapt. Nicodemus R. Cabais, nakatanggap sila ng ulat kaugnay ng insidente bandang alas-5:30 ng hapon.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo umano sa lugar ang grupo ng biktima upang mamasyal lamang sa tabing-dagat. Habang nasa baybayin ay naisipan umanong maligo ng biktima kasama ang kanyang mga kaibigan.
Gayunman, malalakas umano ang alon nang mga oras na iyon at hindi namalayan ng biktima na ito ay nalulunod na.
Humingi pa umano ito ng tulong at agad namang sinubukan ng mga kasama na sagipin ang biktima, subalit nahirapan ang mga ito dahil sa lakas ng alon.
Ayon pa sa pulisya, mahigpit na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang pagligo sa nasabing bahagi ng dagat pagsapit ng alas-5:00 ng hapon dahil sa peligro ng malalakas na alon at paglakas ng tubig-dagat.
Sinabi rin ng opisyal na posibleng bumalik sa dagat ang grupo nang makita nilang wala na ang mga pulis na nagpapatrolya sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga bystander at mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office upang sagipin ang biktima at dalhin ito sa pagamutan.
Gayunman, idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Ayon sa pulisya, madalas na nagkakaroon ng kahalintulad na insidente sa lugar kaya patuloy nilang pinaaalalahanan ang publiko na sumunod sa ipinatutupad na safety policies ng lokal na pamahalaan.
Nakikipag-ugnayan din umano ang mga may-ari ng cottages at establisimyento sa baybayin upang paalalahanan ang kanilang mga customer na ipinagbabawal ang pagligo sa dagat kapag lampas alas-5:00 na ng hapon.
Nanawagan naman ang DCPO Police Station 6 sa publiko na maging maingat at sundin ang mga alituntunin sa mga beach area upang maiwasan ang mga aksidente at trahedya.










