Nilinaw ni law expert Atty. Joey Tamayo na ang ina ang may eksklusibong karapatan at kapangyarihang magpasya sa mga usaping may kinalaman sa isang illegitimate child, kabilang ang desisyon sa paglilipat ng mga labi ng anak, kung ang mga magulang nito ay hindi kailanman nagpakasal.

Sa panayam, ipinaliwanag ni Tamayo na malinaw ang probisyon ng Family Code na ang ina ang may exclusive parental authority sa anak na ipinanganak sa labas ng kasal.

Ayon sa kanya, hindi nagbabago ang probisyong ito kahit pa ang ama ay nagbibigay ng suporta o naging bahagi ng pagpapalaki sa bata.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Tamayo na kung magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga magulang hinggil sa paglilipat ng labi ng anak, maaaring umabot ang usapin sa korte.

Aniya, ang hukuman ang magpapasya batay sa umiiral na batas at sa mga ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig.

Bagama’t ang ina ang may pangunahing kapangyarihang magdesisyon, sinabi ni Tamayo na nananatiling may obligasyon ang ama na magbigay ng suporta, kabilang ang mga gastusing may kaugnayan sa paglilipat ng labi ng kanyang anak.

Sa usapin naman ng mga dokumentong dapat ihanda kung mauuwi sa legal na proseso ang hindi pagkakaunawaan, sinabi ni Tamayo na mahalagang ebidensya ang birth certificate ng bata.

Binigyang-diin pa ni Tamayo na hindi nakabatay sa kung sino ang pangunahing nag-alaga sa bata ang karapatang magpasya, kundi sa legal na probisyon ng Family Code.